Tuesday, February 16, 2021

ASIN NG SANLIBUTAN

Napakahalaga ng asin sa buhay ng mga tao. Pampalasa o seasoning ng pagkain, preservative para tumagal ang shelf life ng isda at mga karne, disinfectant, pampalabas ng kulay ng nilagang gulay, gamit sa paggawa ng ice cream, pampabilis ng pagkulo ng tubig (lalo pa kung nagluluto tayo ng pasta), pang-alis ng kalawang, at gamit sa first aid.

Hindi ba dapat may kaunting asin ang tubig na minumumog kapag may sore throat at yung rehydration drink ng mga may diarrhea? Dapat may konting asin at asukal. Ang adobong mani hindi masarap kung walang asin. Noong Panahon ng Hapon, kuwento ng mga lolo at lola natin, usung-uso ang gatas ng tigre. Iyon ang tawag sa asin at tubig na malimit nilang ulam sa gitna ng kahirapang dala ng digmaan.

Sa isang report mula sa mga nasa industriya ng asin, mayroon daw 14,000 na gamit ang asin.[ 1] Dito sa Pilipinas puwede ka pang makinig sa ASIN sa iyong tape recorder, cd player, MP3 player, o smartphone. Noong unang panahon “white gold”ang tawag sa asin. May panahon pa ngang asin ang suweldo ng mga sundalong Romano. Sa Wikang Latin, salarium ang asin. Sa salarium galing ang salitang salary o suweldo.

Napakahalaga ng asin sa buhay ng mga tao. Sabi ni Hesus, tayo ang asin ng MUNDO. Maraming gamit ang asin. Hindi lang isa o dalawa. Marami ring paraan ng paglilingkod. Maraming paraan ng pagsunod. Hindi lang isa o dalawa. Ngunit mayroon pang gamit ang asin noong panahon ni Hesus, na ginagawa pa rin sa maraming lugar sa Palestina. Sinasama sa panggatong.[ 2]

Mataas ng magnesium content ng asin mula sa Dead Sea o Dagat na Patay na nakakatulong sa pag-silab ng panggatong. Sinasama ang asin sa mga pinatuyong dumi ng kamelyo, asno, at iba pang hayop, ibibilad sa araw, at ito ang ginagamit na panggatong sa mga hurno o oven sa Palestina. Parang uling. Sa paulit ulit na gamit, mawawala ang bisa ng asin kaya itatapon na lang ito. At kailangang gumawa ng bagong mixture. Kaya sabi ng teksto, itatapon ang asing wala nang silbi.

Sa Hebreo at Aramaic yung salita para sa earth o mundo ay hawig sa salita para sa oven o hurno. Sabi ni Hesus, tayo ang asin ng mundo. Sabi ni Hesus, tayo ang asing sangkap ng panggatong sa hurno. Napakahalaga ng panggatong. Napakahalaga ng pagkain para sa maraming nagugutom. Napakahalaga na mapabilis ang pagluluto. Yan pa ang isang gamit ng asin.

Sabi ni Hesus asin tayo ng mundo. Sabi ni Hesus sangkap tayo ng panggatong para mas mabilis na makapagluto ng sopas, ng pagkain para sa lahat. Handa ba tayong matunaw gaya ng asin? Handa ba tayong isama sa gatong at masunog, gaya ng asin? Handa ba tayong mag-alay ng buhay para sa buhay at ikabubuhay ng mas nakararami?

Sabi ni Hesus, tayo ang asin ng mundo. Tayo nga ba talaga?


No comments:

THE CHURCH IS NOT A BUILDING...

Sunday's lection reminds us of Herod the Great's Temple that, according to Jesus, was built from the offerings of widows and other v...