Friday, November 08, 2019

Ang PARABOLA NG MGA DAMONG LIGAW SA MGA HARDIN NG MAKAPANGYARIHAN

ANG PARABOLA NG MGA DAMONG LIGAW SA MGA HARDIN NG MAKAPANGYARIHAN
Para kay Bishop Ramento, CM Edison, at sa mga martyr ng bayan
(IFI UCCP Ecumenical Worship Service, 3 November 2019, Kowloon Union Church Space, Hong Kong)
Mula sa mga Igorot ng Cordillera hanggang sa mga Lumad sa Mindanao, hitik ang ating kasaysayan at kolektibong karanasan sa mga taong nag-alay ng buhay dahil sa pag-ibig sa kapwa, sa bayan, at sa Dios. Marami sa kanila ay mananampalataya-- mayroong humawak ng sandata upang ipagtanggol ang bayan, ang mga anak, ang buhay laban sa mga puwersang mapang-api at sakim; mayroong namang hindi. Si Andres Bonifacio ang pangunahing halimbawa ng unang grupo, si Jose Rizal naman ang sa pangalawa.
Maliwanag ang koneksyon ng mga kuwento ni Rizal sa kanyang pagkakabaril sa Bagumbayan bilang kaaway ng imperyong Kastila. Ang hindi maliwanag sa maraming Kristiyano ay ang koneksyon ng mga kuwento ni Jesus sa kanyang pagkakapako sa krus bilang kaaway ng imperyo ng Roma. Lumaki tayo sa mga parabola ni Jesus subalit ang nakagisnang interpretasyon ng karamihan sa atin, na galing sa mga paborito nating Amerikano at Europeong iskolar at komentaryo, ay makalangit ang mga kuwentong ito at walang koneksyon sa pang-araw-araw na buhay at pakikibaka ng mga tao.
Hindi kasi tayo mahilig magbasa ng bibliya. Ang binabasa natin mga libro tungkol sa bibliya. Sa halip na basahin natin ang Lumang Tipan, ang alam na alam natin ang interpretasyon ni Bernhard Anderson. Sa halip na basahin natin ang Bagong Tipan, ang halos memorize na natin ang komentaryo ni Raymond Brown. Marami sa ating mga simbahan, lalo na sa mga UCCP sa siyudad, “Purpose Driven Life” ang textbook!
Now if we read our bible and prayed every day, unti-unti nating mapapansin na tuwing nagku-kuwento si Jesus, nagpupuyos sa galit ang mga lider ng relihiyon at politika. Kagaya ng mga prayle noong panahon ni Rizal. Sabi nga ng maraming eksperto sa kuwento, “myths are stories that create order, parables, on the otherhand, are stories that subvert order.” Parables are subversive speech. Ang parabola ay nagbabaligtad ng status quo. Ang mga kuwento ni Jesus, hindi tungkol sa langit, kundi tungkol sa kaharian ng Dios dito sa lupa. Ang mga kuwento ni Jesus ang mga bida yung mga kontrabida sa mata ng mga lider ng relihiyon at politika. Ang mga kuwento ni Jesus nangangako ng bagong umaga sa mga kapus-palad at inaapi, nagbibigay ng babala sa mga nasa-posisyon at sakim sa kapangyarihan.
Ang mga kuwento ni Jesus ang isa sa mga dahilan kaya siya pinapatay ng mga nasa poder.
At huwag na huwag ninyo itong kakalimutan. Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, 5000 libong lalaki ang kasama niya. Nang hulihin si Jesus sa hardin ng Gethsemane, 1000 namang mga sundalo ang humuli sa kanya. At nang siya’s patayin ng imperyo, dalawang rebelde ang kasama niya at isandaang sundalo ang nagsagawa ng crucifixion.
Sabi ni Gaius Plinius Secundus (aka Pliny the Elder) sa kanyang Natural History 19.170-171, ang mustasa sa parabola ay damo. Sabi niya, that “mustard [sinapi kokkos] …grows entirely wild… and when it is sown, it is scarcely possible to get the place free of it, as the seed when it falls germinates at once.”
Sabi ng mga Bible scholars, yung musta sa sa kuwento ay isang uri ng damong ligaw, na umaabot ng 5 talampakan ang taas. Kapag may ganyang damo sa anumang hardin ay siguradong magdaratingan ang maraming ibon. At kung may ibon ay may ipot ng ibon. Ayaw ng mga hardinero ang damong ligaw, ibon, at ipot ng ibon.
Sino man ang nakakita na ng mga hardin ng mayayaman, sa mga hardin ng mga nasa poder, sa mga hardin ng mga malalaking simbahan, hotel, o opisina, hindi puwedeng may damo, hindi puwedeng may mga ibon, hindi puwedeng may Tae ng ibon. Kaya, malimit ang unang ginagawa ng mga hardinero, alisin ang mga damo. Kung walang damo, walang ibon, walang Tae ng ibon.
PERO ITO ANG TOTOO. ANG DAMONG LIGAW, BUNUTIN MO MAN NG BUNUTIN, LAGING BUMABALIK!!!
Ganyan daw ang kaharian ng Dios. Parang damong ligaw. Parang mustasa. Tumutubo kung saan hindi ito tanggap. At kapag tumubo, ay nag-aanyaya ng mga hindi rin tinatanggap. Mga ibon na kailangan ng pahinga.
Damong ligaw ang tingin ng mga nasa poder kay Jesus. Damong ligaw na lumago at tanggap lahat ng hindi katanggap-tanggap: mga maysakit, mga dukha, api, aba. Mga makasalanan. Mga taong tanging Dios lamang ang pag-asa. Damong ligaw na hindi maaaring lumago sa mga hardin ng mga nasa poder. Damong ligaw na hindi maaaring bumulabog sa sistema.
Kaya nagtulung-tulong ang mga hardinero (ng Imperiong Roma at ng Templo) na bunutin ang damong ligaw. Huwag na huwag po nating kakalimutan, si Jesus ay pinatay ng mga nasa poder. Hinuli sa gitna ng gabi, tinorture, at ipinako sa krus.
Noong Biyernes ay Todos Los Santos, All Saints’ Day, at inala-ala natin ang mga mahal natin sa buhay na nauna na. Huwag din Sana nating kalimutan ang libo-libong tao na nawala, nawawala, at pinaslang sa ilalim ng administration ni Marcos, ni Cory, ni Ramos, ni Estrada, ni Arroyo, ni Aquino, at ni Duterte. Huwag nating kakalimutan na ang ating mahal na bayan ay iniluwal ng dugo at pag-ibig ng napakaraming bayani at martyr.
Silang lahat, mga damong ligaw, kagaya ni Jesus, na inalis ng mga hardinero ng mapang-aping uri at gahamang sistema ng mundo.
Noong taong 2006, lampas sa 20 UCCP ang pinaslang ng rehimeng Arroyo. Noong Octubre ng 2006, pinaslang si Bishop Alberto Ramento. Robbery daw, sabi ng mga pulis. Walang naniniwala ng robbery ang nangyari kay Bishop. Murder ang tawag doon. Pinatay siya dahil sinusundan niya ang kanyang Panginoong Hesu-Kristo. Nabubuhay para sa mga aba, abi, at IP.
Mga kapatid, hindi titigil ang pagbubunot ng mga damong ligaw. Pero, sabi ko nga kanina, ang damo, habang binubunot, lalong dumarami!!!
Buhay si Bishop Ramento. Buhay si CM Edison Lapus. Buhay si Eden Marcellana. Buhay ang bawa’t isang martir ng bayan sapagkat buhay ang kanilang pinaglalaban. Buhay ang kanilang pangitain. Buhay ang paglago ng kaharian ng Dios sa gitna ng lahat ng gustong pigilan ang paglago nito.
Huwag nating kakalimutan.
Sa bawa’t isang tao na mag-aalay ng buhay para sa bayan, para sa kalayaan, para sa kinabukasan, sampu ang ibabangon ng Dios. Sa bawa’t sampung babagsak, isandaan ang ibabangon ng Dios. Sa bawa’t isandaan, isang libo ang ipapalit ng Dios.
Ang tawag dito? RESURRECTION.
Amen.

No comments:

THE CHURCH IS NOT A BUILDING...

Sunday's lection reminds us of Herod the Great's Temple that, according to Jesus, was built from the offerings of widows and other v...