Monday, October 20, 2008

Para kay Jenifer, kay Onesimus, at ang Marami Pang Katulad Nila

19 October 2008, Misang Alay ng Migrante International

Tumayo po tayo ng sandali at mag-alay ng panalangin para kay Jenifer Beduya. Mag-alay din tayo ng panalangin para kay Eugenia Baja, Jeffrey So, Myrna Vailoces, at Evelyn Milo. At para kina Eduardo at Edison Gonzales, Eduardo Arcilla, Don Don Lanuza, at Cecilia Armia Alcaraz. Ipanalangin rin natin ang kanilang mga ina, mga ama, mga anak at kapatid, mga kabyak, at mga pamilya. Basagin natin ang katahimikan ng langit. Iparinig natin sa Dios ang ating hinagpis, ang ating galit, ang ating sigaw para sa katarungan.

Sa mga Ebanghelyo ni Mateo at ni Lukas ay may kuwento ng isang mayamang sundalo, centurion, na lumapit kay Jesus dahil may sakit ang kanyang alipin. Agad agad na tinupad ni Jesus ang hiling ng sundalo. Ibalik sa dati ang sitwasyon. Ang aliping may sakit ay walang silbi sa may-ari. Ang aliping hindi makalakad ay walang silbi sa amo. Tuwing binabasa ang kuwentong ito lagi na lang bida si Jesus at ang mayamang sundalo. Hindi natin naririnig ang boses ng alipin. Ni hindi natin alam ang kanyang pangalan. Ni hindi natin alam kung bakit siya maysakit, bakit siya hindi makalakad. Ang alam lang natin yung sinabi ng sundalo.

Noon at ngayon, nagpapatuloy ito. Yung sinasabi lang ng mga may-ari, ng mga amo, ng mga mayaman, ng mga nasa poder ang naririnig natin. Tamad daw ang alipin, sakitin ang alipin, nagpatiwakal ang alipin, tumakas ang alipin, magnanakaw ang alipin, walang utang na loob ang alipin.

Ang alipin sa Mateo at Lukas ay bata, malamang dose anyos. Hindi natin alam yun. Malamang ang sakit niya, yung halos hindi na siya makalakad sa hirap, ang dahilan yung may-ari sa kanya. Malamang ginugulpe siya ng amo niya. Malamang pinagsasamantalahan. Malamang inaabuso. Subalit hindi natin siya naririnig—tanging boses lang ni Jesus at ng amo ang maririnig sa kuwento.

Sa Sulat ni San Pablo kay Pilemon mayroon ding isang alipin. Si Onesimus. Hindi rin natin siya naririnig. Tumakas siya sa kanyang amo. Sabi ng napakaraming interpretasyon ng kuwentong ito—tumakas daw si Onesimus at walang utang na loob. Hindi lang daw siya tumakas, nagnakaw pa. Muli, tuwing binabasa ang kuwentong ito, ang bida si Pablo o si Pilemon. Walang kumakampi kay Onesimus.

Kung babasahin natin ang kuwento, ang paglarawan kay Onesimus—gamit, commodity, hindi tao. Sabi ni Pablo, si Onesimus, dati walang silbi, nung naging Kristiyano, nagkaroon ng silbi. Dati, alipin; nung naging Kristiyano, naging super alipin. “Before he was useless; now he is useful. Before he was just a slave, now he is a Christian; now he is a super slave.” Hyper doulon sa Greek.

Marami sa mundo, ang trato sa ating mga Pilipino super slave. Dahil Kristiyano tayo, kaya nating magtiis. Dahil marunong tayong mag-ingles, kaya tayong murahin, dustain, utus-utosan at itratong parang hayop sa wikang naiintindihan natin.

Ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas ay imperialista. Nagsimula ito nang sabihin ng unang Amerikanong General Superintendent of Education in the Philippines, na, "The Filipino people, taken as a body, are children and childlike, do not know what is best for them ... by the very fact of our superiority of civilization and our greater capacity for industrial activity we are bound to exercise over them a profound social influence." SA araw-araw na ginawa ng Dios, tinuruan ng ating mga paaralan ang ating mga anak na maging alipin ng mundo.

Linggo-linggo tinuruan ang marami sa ating mga simbahan na magtiis, ialay hindi lang ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa, at tanggapin ang kahirapan dahil kalooban daw ito ng Dios at pupunta naman tayong lahat sa langit.

Sino ba ang makikinabang sa lahat ng mga katuruang ito? Bakit ang api lalong naaapi? Bakit ang mahirap lalong humihirap? Bakit tatlong libo sa ating mga kababayan ang nangingibang-bayan kada araw? Bakit may mga Jenifer, Eugenia, Jeffrey, Evelyn, at Myrna? Bakit hindi nababawasan ang mga Onesimus ng mundo at milyon-milyon sa kanila ay Pilipino?

Hindi si Gloria Arroyo ang sagot sa ating mga hinaing. Hindi rin ang mga amo. Hindi rin ang naghaharing-uri.

Tayo ang sagot sa ating mga panalangin. We are the answer to our prayers. Tayo ang mga pamilyang naghihirap at nahahati dahil sa paglisan ng ating mga mahal sa buhay. Tayo ang mga pamilyang nangungulila. Tayo ang mga inaapi, dinudusta, at hindi pinapakinggan. Magsama-sama tayo. Magkapit-bisig tayo. Makibaka tayo.

Tayo ang sagot sa ating mga panalangin.

Mga datos na galing sa Migrante International:
1. OFW Jenifer Beduya, 23 years old, Sibugay, Zamboanga. Executed on October 14, 2008 ng Jeddah KSA. Tinangka siyang gahasain ng kaibigan na Arabo at mga kasama nito kung kaya napatay niya ito at nasentensiyahan ng kamatayan noong 2006. Nagulat ang pamilya ng mabalitaan na pinugutan na ng ulo si Jenifer. Walang alam ang pamilya sa mangyayari dito dahil pinangakuan naman sila ng DFA na makapag-apela sa korte ng Saudi Arabia. Lumalabas na walang kasamang abogado si Jenifer sa kanyang mga hearing.
2. OFWs Eduardo at Edison Gonzalez, Eduardo Arcilla, Don Don Lanuza. nasentensiyahan ng kamatayan sa Saudi Arabia. Nakahanay na pupugutan ng ulo sa Saudi Arabia.
3. Cecilia Armia Alcaraz, nasentensiyahan ng kamatayan o firing squad sa Taiwan, naghihintay ng apela mula sa gobyerno.
Mga namataya na OFWs sa labas ng bansa na kaduda-duda ang pagmatay ayon sa pamilya at batay na rin sa mga report. Eugenia Baja, DH, Saudi Arabia, namatay noong Feb. 24, 2008 dahil sa hindi pinapakain sa loob ng 35 days, minamaltrato ng employer na naging sanhi ng kamatayan nito. Jefrey So, 11 days lang sa UAE nabalitaan ng pamilya na nagpakamatay daw ito. Myrna Vailoces, August 2008, nagpamatay daw ayon sa police report sa UAE. Evelyn Milo, ayon sa pamilya ay nagpakamatay daw ito. Pero hindi makapaniwala ang pamilya dahil marami itong pangarap sa buhay.


No comments:

THE SONG OF MARY

Mary's Magnificat is probably one of the most powerful prophetic passages in the New Testament. This young woman's God scatters the ...